Thursday, November 10, 2016




Repleksyon

Ang mensahe ng butil ng kape ay kwento tungkol sa kung paano ang  pagharap  sa mga pagsubok sa buhay ng isang tao.

Mayroon taung iba’t- ibang paraan kung paano hinaharap ang mga pagsubok, ito ay maaaring katulad ng sa carrots na nung una ay matigas o matibay at parang di matitinag ngunit noong dumaan sa kumukulong tubig o pagsubok ay lumambot na nagpapakita ng kahinaan o maaring pagsuko. Minsan siguro may punto sa  ating buhay na tayo ay parang nagiging carrots o nanghihina pero ang magandang katangian sa atin marunong tayong tumayo at di nanatiling carrots na mahina.

Sa ilustrasyon naman ng itlog ay tumutukoy sa ating damdamin, maputi, busilak, at nagpapakita ng kabutihan ng puso subalit nabago ng init ng kumukulong tubig o ng pagsubok. Minsan sa buhay ng tao ang pagsubok ang nagpapabago ng damdamin o emosyon nagiging matapang sa pagharap ng isang sitwasyon na nakakalimutan ang halaga ng kung ano ang importante sa buhay na ito, ang pag ibig. Minsan negatibo ang nagiging paghubog sa ating damdamin ng mga pagsubok nagiging matigas ang ating mga puso at makitid ang ating isipan at walang lugar ang kapatawaran. Nawa ay hindi ito ang mamayani sa atin, sa pagharap natin sa mga pagsubok.

Pinaka-maganda ang aral ng butil ng kape, ang kape ay may katangian na matigas, mabango at masarap. At pag humalo na ito sa kumukulong tubig o pagsubok, ang kape ang nakakaimpluwensya sa kumukulong tubig kaya nagiging masarap at mahalimuyak ang bango nito. Ang pagsubok na sumira sa carrot at sa  itlog ay ang pagsubok din nagpasarap sa butil ng kape, na nagbigay ng higit na saysay sa buhay ng kape upang maging kapakipakinabang. Dito masasalamin na ang pagsubok ang humubog sa kape upang maging isang masarap na inumin o maging produktibo sa buhay. Di nagpatinag ang butil ng kape sa mga pagsubok, dapat ganun din tayo sa mga pagsubok na dumarating sa atin, bagkus sasabayan natin  ito at haharapin ng naaayon sa mas makabubuti at sa huli mas naging matagumpay tayo gaya ng kape. Sa buhay natin dapat maging isang butil tayo ng kape na kayang maging matatag sa oras ng pagsubok at higit sa lahat kaya mo mismong baguhin ang mga pagsubok at pangyayari sa paligid natin. Mahalaga ang positibong pagbabago na dulot ng di magagandang pangyayari. Ito ang aral na makukuha sa mensahe ng butil ng kape…
       

No comments:

Post a Comment